
Si Silverio ay anak ni Papa San Hormisdas, ipinanganak bago pumasok ang kanyang ama sa mataas na klero. Isa lamang siyang subdiyakono nang siya ay mahalal noong 536 sa suporta ng haring Godo na si Teodato. Nais naman ni Emperatris Teodora na ang diyakonong si Vigilio ang maging papa.
Noong Marso 537, siya ay maling pinaratangan ng pakikipagsabwatan upang buksan ang mga pintuan ng Roma sa mga Godong kumukubkob dito, pinatalsik ng heneral na Bisantinong si Belisario at ipinatapon. Nag-utos ang emperador ng pagsisiyasat, ngunit sa kanyang pagbabalik sa Italya ay dinala siya sa isang pulo sa baybayin (Palmaria o, ayon sa Liber Pontificalis, Palmarola), kung saan siya namatay dahil sa malupit na pagtrato; hindi tiyak ang taon. Siya ay pinararangalan bilang martir, at ang kanyang kapistahan ay sa ika-20 ng Hunyo.
Pinararangalan siya ng Simbahan bilang Santo. Basahin ang kanyang pahina sa diksiyonaryo ng mga santo.